Umabot na sa bilang na 55 ang naitalang namatay sa tigdas sa Ca­labarzon (Cavite, Laguna Batangas, Rizal,Quezon) mula Enero hangang kahapon, Pebrero 16, 2019.

Sa bagong ipinalabas na measles quick count ng Dept. of Health (DOH)-Calabarzon, ­simula alas-otso kahapon ng umaga ay may kabuuang 2,253 na naiulat na kaso ng tigdas kung saan 55 dito ang naiulat na namatay.

Sa datos, ang Rizal ang nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng mga namatay kung saan mayroong 40 sa 1,270 na kaso; sumunod ang Cavite na nagtala ng 7 patay sa 284 na kaso; Laguna na may 6 na namatay sa 314 na kaso at tig-iisa sa Batangas na may 225 na kaso at Quezon na may 160 na kaso.

Matatandaan na nauna nang nagbigay ng direktiba si DOH-Regional Director Eduardo C. Janairo sa mga Provincial Health Officer (PHO), City Health Officer (CHO), Municipal Health Officer (MHO), National Immunization Program (NIP) Provincial Health Team Officer (PHTO) at Deve­lopment Management Officer (DMO) sa rehiyon para sa agarang pagresolba ng lumalalang kaso ng tigdas.

Nakipag-ugnayan na rin ang DOH-Calabarzon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) , Department of Education (DepEd), Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa pagpapatupad ng mass immunization sa ­rehiyon.