Tigil-ere ng ABS-CBN: Mga cage star luhaan

Hindi naitago ng ilang University Athletic Association of the Philippines (UAAP) basketball star ang pagkaapekto nila sa tigil-operasyon ng ABS-CBN Corporation.

Binalaan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang television at radio network nito sa broadcast operations sa nilabas na cease and desist order dahil sa pagpaso ng legislative franchise ng Kapamilya network.

Kahit magkakaiba ng paaralan at naglalaban sa hard court tuwing UAAP season, nagkaisa at sabay-sabay na naglabas ng kanilang sentimyento sina Ricci Paolo Rivero ng UP Fighting Maroons, Shaun Ildefonso ng NU Bulldogs at CJ Cansino ng UST Growling Tigers.

Gamit ang kanilang mga Twitter account, walang pangiming ipinahayag ng mga basketbolista ang kanilang hugot.

“Parang nanood uli ako ng end-game dun ha #ABSCBNSigningOff,” saad ni Cansino.

Pagtatanaw-balik ni Rivero: “To the network who covered my games, who witnessed and celebrated my triumphs and defeats, who entertained us and informed us and who brought me closer to your homes. For every hardwork each Kapamilya poured into for the service of the Filipino worldwide #IStandWithABSCBN.”

“Besides SRSLY, napaka-Intense ng situation natin mga mami. Marami ang apektado. Sana matapos na ito. We should make a stand and #DefendPressFreedom. We will be back and I promise matatawa kayo hanggang sa sisikmurahin kayo haha #KapamilyaForever #IStandWithABSCBN,” wika ni Ildefonso na naghahatid-saya rin sa online series segment na SRSLY.

Bukod sa UAAP, hawak din ng ABS-CBN ang TV coverage ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) at Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL). (Aivan Denzel Episcope)