Tigil pasada ng Angkas pinalagan

Pinutakte agad sa social media si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Martin Delgra at umani ng samu’t-saring komento sa kumalat na balita sa Twitter na may ipi­nalabas umanong kautusan ang ahensiya na hanggang sa Disyembre 15 na lang ang pag-arangkada ng mga Angkas sa lansangan, bagama’t sinasabing sa Disyembre 26, 2019 pa magtatapos ang pilot run.

Dahil dito, karamihan sa mga Angkas rider ay nagalit at nagkomento gaya ng isang @Silent_Soul_14, sinabi niya na sana ay walang katotohanan ang kumalat na balita dahil tanging Angkas lamang ang ‘savior’ ng mga nagmamadaling commuter. “I hope this is not true! #Angkas is the commuters savior. Ang laki laki laking tulong nila samin. Please lang!”
Ayon naman sa tweet ng isang may RT account: “On Dec. 15, all Angkas operations will stop because of LTFRB, according to my rider. Angkas cuts my commute time to work by 80%. Also, 30,000 riders will lose their jobs if this pu­shes through.”

Lumampas na sa 169,000 ang pumirma ng petition sa change.org para hayaang ipagpatuloy ang serbisyo ng Angkas at suportahan ang paglatag ng mga regulasyon para sa mga motorcycle taxi sa bansa.

Ang petisyong #SaveAngkas ay sinimulan ni George Royeca ng Angkas isang taon na ang nakalilipas.

Ayon sa petisyon, malinaw na gusto ng LTFRB mag-crackdown sa mga Angkas rider kahit na ilang ulit na silang naglatag ng alternatibong solusyon para makausad ang isyu.

Nag-alala ang maraming mga pasahero na baka tuluyang matigil ang operasyon ng 70,000 motocycle driver na mas mura kaysa sa Grab at mas mabilis pa.

Pinilit namang kunin ng Abante Tonite ang pahayag o kumpirmasyon ni LTFRB chairman Delgra subalit hindi ito tumugon sa text message. (Dolly Cabreza/Eileen Mencias)