Tigresses isang paa sa F4

Sinakmal ng University of Santo Tomas ang University of the Philippines 25-20, 25-21, 25-16 para makalapit sa Final Four ng UAAP Season 79 wo­men’s volleyball tournament sa MOA Arena kahapon.

Nanguna sa atake sina EJ laure at team captain Sisi Rondina na may 15 at 14 points, nagdagdag pa si Ria Meneses ng 10 markers kasama ang eight blocks.

Umarangkada sa 8-5 ang UST para sa solo third kasunod ng semifinalists Ateneo at La Salle na parehong may 11-2 win-loss records.

Isa pang panalo ng Tigresses ay pormal na silang papasok sa semis.

“Alam kasi namin kung saan kami nakatayo bago mag-start ‘yung laro. So kami magdi-dictate, nasa kamay namin kung ano ang kapalaran namin,” saad ni UST coach Kungfu Reyes.

“Ngayon, andito na kami, papasok na kami, malaki­ na ‘yung chance namin para sa Final Four.

Hindi na namin hahayaan na mawala pa sa kamay namin,” dagdag niya.

Tumapos si Diana Carlos ng eight points para sa Lady Maroons, may tig-seven markers sina Isa Molde at Nicole Tiamzon.

Nalaglag sa 7-6 ang UP at nasa three-way tie sa fourth spot kasama ang Far Eastern University at National University.

Magtatapat ang Lady Maroons at Lady Tams sa Miyerkules, samantalang ang Tigresses ay makiki­pagtuos sa Lady Bulldogs sa April 8.