Sinakmal ng University of Sto. Tomas ang solo liderato sa matapos kaldagin ang College of Saint Benilde Lady Blazers, 25-20, 25-17, 25-27, 25-17 kagabi sa 13th V-League Collegiate Conference sa PhilSports Arena.
Pumalo si Eya Laure ng 18 points para ilagay ang UST sa unahan ng Group B sa 2-0 card.
Unang biniktima ng Tigresses ang San Beda Red Spikers, 27-25, 25-18, 20-25, 25-18 noong Miyerkules sa sabwatan ng magkapatid na EJ at Eya Laure.
Umahon naman mula sa pagkakalubog sa third set ang San Sebastian College Lady Stags para suwagin ang Ateneo Lady Eagles, 25-23, 25-22, 25-23.
Nasa gilid na ng hukay ang Lady Stags, 10-23 sa third set, dalawang puntos na lang ang kailangan ng Lady Eagles at makakahirit na sila ng set four.
Pero nagtulong sina two-time NCAA MVP at Open Conference MVP Grethcel Soltones at Denice Lim para habulin ang malaking agwat at tapusin ang laro sa tatlong sets.
“We just hung in there and played tough,” ani Soltones.
Dahil sa ganda ng kanilang panalo, halos makalimutan ng Lady Stags ang nakakadismayang talo sa defending champion NU Lady Bulldogs sa unang laro sa torneo.
“We made some adjustments coming off a loss to NU. We played better this time and showed some toughness on the floor,” ani Soltones.
Tinarak ni Soltones ang 16 points kasama ang 12 spikes at apat na service aces habang may 12 markers si Lim.
Nakuha ng San Sebastian (2-1) ang unang panalo sa Group A kontra Perpetual.
Umarangkada sa opensa para sa Ateneo si rookie Jullianne Samonte na may 10 markers, may tig-nine points sina Michelle Morente at Pauline Gaston.