Nakaabante na sa semifinals ang ­National University matapos makawala­ sa Far Eastern University 25-17, 24-26, 14-25, 25-18, 15-11 sa Shakey’s V-League Season 13 Collegiate Conference sa PhilSports Arena kagabi.

Tumapos si Jaja Santiago ng 19 puntos para pangunahan ang NU, umangat sa 3-1 para kunin ang unang semis berth.

Sa first game, pinauwi na ng San Sebastian College ang University of Santo Tomas pagkatapos ng 25-20, 25-18, 16-25, 25-19 panalo.

Nanguna si Grethcel Soltones sa Lady Stags na may 23 puntos.

“Medyo bago sa amin ‘tong quarterfinals na (all-SSC lineup) kasi sanay din kami na may guest eh noong mga naka­raang panahon,” sabi ni San Sebastian assistant coach Clint Malazo.

“Ngayo­n nagsisikap talaga ‘tong mga bata na makapasok talaga sa quarterfinals.”
Nag-ambag sina Katherine Villegas at Joyce Sta. Rita ng tig-siyam na mark­a para sa SSC.

Binitbit ng 16 points ni guest player Eya Laure ang UST, nag-ambag ng 11 si Ria Meneses.

Namaalam sa quarterfinals ang six-time league champion Tigresses­ ay nang bumagsak sa 0-4 card. Ito ang unang pagkakataon na wala sa Fina­l Four ang UST mula noong sumali­ sila sa pagtatatag ng liga.

Masaya si NU assistant coach Edjet Mabbayad sa panalo pero inamin niyang hindi siya kuntento.

“Happy ako sa ginalaw ng mga bata pero siyempre not satisfied kasi marami pa ring lapses sa nangyayari, kita naman kaya nag-five sets,” ani Mabbayad.

Natuwa si Mabbayad sa ipina­kitang determinasyon at kapit ng kanyang mga bata kahit wala ang kanilang head coach na si Roger Gora­yeb na nagbabakasyon sa Amerika.

Nagtala si Aiko Urdas ng 15 puntos, may 12 si Jorelle Singh naman para sa Lady Bulldogs.

Gumawa si Toni Basas ng 21 puntos para sa Lady Tamaraws, may 14 at 12 sina Remy Palma at Bernadeth Pons.  Nalaglag ang FEU sa 2-1 tabla­ sa San Sebastian College.