Tim Cone naglagablab kay Aguilar

Nagngitngit si coach Tim Cone sa pagdagdag pa ng puntos gayong nadesisyunan na ang panalo ng Ginebra sa PBA Philippine Cup elims Meralco Miyerkoles ng gabi.

Pero hindi sa kabilang team nagngitngit si Cone, kundi sa sarili niyang player.

Sa final 12 seconds ng laro at abante na ang Gins ng 11, sa kanila ang bola nang makasilip ng pagkakataon si Raymond Aguilar.

Tumira si Aguilar, pasok ang jumper tungo sa 86-73 lead.

“I’m furious at Raymond for taking that shot,” bungad ni Cone sa postgame interview sa Smart Araneta Coliseum. “I am absolutely steaming.”
Wala na raw tsansang humabol ng Bolts ay tinirahan pa. Sa ganung sitwasyon ay inuubos na lang ang oras para hindi nagmumukhang nababastos ang kabila, lupasay na ay sinipa pa.

Big deal daw yun kay Cone bilang respeto sa kalaban.

“I make a big deal about that, about not doing that to us. And I have a guy that goes out there and does it,” paliwanag ni Cone. “I am just steaming­ mad.”

“I’m sorry,” paabot ni Cone sa Bolts ni Norman Black.

Sa huling 4 seconds, tumira ng tres si Trevis Jackson at natapos ang laro 86-76.

Pumasok si Aguilar 41 seconds na lang, pinalitan si Japeth Aguilar. ‘Yun lang din ang nag-iisang attempt niya. (Vladi Eduarte)