Lusot na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang panukalang iniakda ni dating Pangulo at ngayo’y Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na nagtataguyod sa pagkakaroon ng Timbangan ng Bayan Centers.
Alinsunod sa House Bill 7857, kinakailangan na magkaroon ng Timbangan ng Bayan Centers sa lahat ng pampubliko at pribadong pamilihan sa buong bansa.
Sa pamamagitan ng panukala ay maiiwasan na ang pandaraya sa timbang ng mga itinitindang produkto.
Sino mang mahuhuling lalabag sa mga probisyon ng panukala ay pagmumultahin ng P50,000-P300,000 at puwedeng makulong ng isa hanggang limang taon.
Mas mabigat ito sa kasalukuyang P200 hanggang P1,000 multa at parusang isang taong pagkakabilanggo.