Timberwolves salto sa tweet

Nag-backfire sa Minnesota Timberwolves ang isang tweet na halatang pang-alaska kay US President Donald Trump.

Kamakailan, na-quote ng media si Trump na nagsabing uminom o magpa-inject ng disinfectants panlaban sa coronavirus.

Bumawi ang White House, sarkastiko raw ang pahayag na ‘yun ni Trump.

Sumakay ang Timberwolves sa isyu, nag-tweet ng larawan ni D’Angelo Russell at ginamit ang trademark ng guard na “ice in the veins.”

“Inject ice in your veins, not disinfectant,” caption ng Wolves.

Nilagyan pa nila ng duguang emoji ng syringe.

Tuwing may mahalagang basket si Russell, dedma lang na parang bale-wala kahit game-winner o pamatay-sunog ‘yun. Walang maingay o maingay na selebrasyon, kalmado – ice in the veins.

Nagpapatawa siguro ang social media team ng Wolves, pero sila ang naging katawa-tawa at inulan ng batikos.

Ang ‘ice’ ay slang o katawagan sa methamphetamine, o shabu.

Mag-inject ng shabu? Kalokohan!

Higit 14 na oras na ang nakalipas ay hindi pa nade-delete ang tweet.

“Did the Timberwolves just tell me to do…… meth,” komento ng isa. (Vladi Eduarte)