Inatasan ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ang mga health worker na ilapit na sa publiko ang kampanya ng gobyerno para sa bakuna kontra tigdas.

Kasunod ito ng pag-akyat sa 21,396 kaso ng naitalang dinapuan ng tigdas mula Enero 1 hanggang Marso 4 ngayong taon.

Sa ulat ng Department of Health-Epidemiology Bureau, ang nabanggit na bilang ay limang beses na mas mataas sa 4,417 kaso ng tigdas na naitala noong 2018 sa kaparehas na mga buwan.

Nakapagtala rin ng 315 katao na nasawi sa tigdas kumpara sa 43 namatay sa naturang sakit noong nakalipas na taon.

Karamihan sa mga tinamaan ng tigdas ay naitala sa Calabarzon, 4,401; National Capital Region, 4,266; Central Luzon, 3,409; Western Visayas, 1,197; at Northern Mindanao, 1,059.
Sa Calabarzon din naitala ang pinakamataas na bilang ng mga nasawi na umabot ng 87 katao, kasunod ang National Capital Region na nakapagtala ng 85, at 52 sa Central Luzon.

Sa kanyang kautusan, sinabi ni Duque na mayroong manpower, pondo at logistics ang DOH para magsagawa ng pagbabakuna kontra tigdas kaya walang ‘excuse’ para hindi maisakatuparan ito.

Kailangan aniyang maabot ang target na 95% sa anti-tigdas vaccine para mapigilan ang paglaganap ng naturang sakit na kaya namang agapan kung malalapatan agad ng lunas. (Juliet de Loza-Cudia)