Nang bumisita sa Saudi Arabia si Pangulong Rodrigo Duterte noong Holy Week, isa sa ipinangako nito sa overseas Filipino workers (OFWs) doon ay ang pagbuo ng Department of OFWs upang matutukan ang pangangailangan at problema ng OFWs.
Marami ang pumalakpak at sumuporta sa naging pahayag ni Pangulong Duterte dahil sa wakas, matututukan na nang husto ang problema ng mga Filipino na nagtatrabaho sa ibang bansa gayundin ang kanilang pamilyang naiwan sa Pilipinas.
Isa lang yata ang sumakit ang tenga sa sinabi ng Pangulo – si Labor Secretary Silvestre Bello III. Makalipas lang ang isang araw, agad niya itong kinontra dahil sa taliwas daw ito sa hangarin ng administrasyon na mapauwi na sa bansa ang OFWs upang hindi na sila magtrabaho sa ibang bansa.
Ayaw pang aminin na sampal sa kanya ang sinabi ng Pangulo dahil naturingan pa man din siyang kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE) na siyang humahawak sa Philippine Overseas Employment Administration at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) subalit marami pa ring kinakaharap na problema sa trabaho ang OFWs.
Nakabinbin na ngayon sa Senado ang Senate Bill No. 146 ni Sen. Cynthia Villar hinggil sa paglikha ng kagawaran para sa OFWs. Mismong si Villar, ramdam niya na kahit nandiyan ang POEA at OWWA na parehong nasa kontrol ng kalihim ng DOLE, marami pa ring OFWs ang umaangal hinggil sa kakulangan ng tulong ng gobyerno.
“There are reports of numerous complaints and resentment towards government harbored by overseas Filipino workers apparently brought about by the government’s delayed and inadequate support and assistance while they are facing difficult predicaments abroad,” pagkumpirma ni Villar.
Kung maisasabatas ang paglikha ng isang kagawaran para lamang sa OFWs, mababawasan ang pakpak o kapangyarihan ni Secretary Bello. Malaki rin ang mababawas sa datung o taunang budget ng kanyang kagawaran. Kaya naman pala ganu’n na lang ang pagkontra ng kalihim sa kagustuhan ni Pangulong Duterte.
***
Kung marami ang pumapalakpak sa proyekto ng administrasyong Duterte na magtayo ng subway sa Metro Manila, hindi mangyayari ito kung hindi pinasimulan ni dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III.
Noong magsagawa ng state visit si Pangulong Aquino sa Japan noong Hunyo 2015, nilagdaan nito sa tabi ni Prime Minister Shinzo Abe sa Akasake State Guest House ang kasunduan hinggil sa “Cooperation Roadmap for Quality Infrastructure Development In the Transport Sector in Metropolitan Manila Area”.
Sa kasunduang ito, itutuloy ang implementasyon ng mga proyektong pinondohan ng ODA tulad ng Arterial Road Bypass Project Phase 2; capacity enhancement ng LRT-1 extension at LRT-2 East Extension; Metro Manila Interchanges Construction Project at Central Luzon Link Expressway.
Isinailalim din sa masusing pag-aaral ang pagpapatayo ng Mega Manila Subway at ang konstruksyon ng ‘missing link’ ng C3. Kumbaga, ang dating administrasyon ang nagtanim at ngayon ay inaani na ito ng administrasyong Duterte.