Tinatabunan ng lupa

Dream Catcher

Nanaginip akong may ibinabaon sa hukay, hindi ko nakita kung sino ang ibi­nabaon at tinatabunan ng lupa pero bago matapos ang panaginip ko, nararamdaman ko na sa aking balat, sa aking mukha tumatama ang bawat lupang itinatabon. Sa aking paggising, naiwan sa aking pakiramdam na ako ang tinatabunan ng lupa.

Ang napanaginipan mo na tinatabunan ka ng lupa at tila inililibing ay nakakaalarma. Unang ipinapakita nito na ang nanaginip ay nakakaranas ng matinding pag­kabalisa kung saan pakiramdam niya ay wala na siyang kontrol sa nangyayari sa kanya.

Maaaring sa aktu­wal na buhay ay ganito ang nangyayari sa iyo, na sa sobrang stress ay nararamdaman mong wala ka nang kontrol sa nangyayari sa iyong buhay. Kung ganito ang nangyayari, kailangan mo munang magpahinga, magbakasyon.

Magbalik-tanaw sa mga nangyari sa iyong buhay. Kung pakiramdam mo’y sunod-sunod ang dagok sa buhay mo, hindi malayong ito ang naging dahilan ng panaginip mo na ibinabaon ka sa hukay. Sa panaginip mo ay hindi mo nakita kung sino ang tinabunan ng lupa pero naramdaman mong sa iyo tumatama ang bawat lupang itinatabon. Hindi mo rin sigurado sa pana­ginip mo kung namatay ka kaya ka tinatabunan. Wala kang kontrol sa nangya­yayari kaya hindi ka kumilos para protektahan ang sarili mo.

Kung ganito rin ang nangyayari sa buhay mo, may kailangan ka nang baguhin. Maaaring kailanganin mo nang magsimula muli. Nagbibigay ng paalala ang iyong subconscious na nahihirapan ka na sa mga nangyayari kaya kailangan mo nang kumilos.

Pero kung wala namang kakaibang nangyari sa iyo sa aktuwal na buhay at kung normal lamang ang nangyayari, ang iyong panaginip ay hindi dapat katakutan.

Sa mga lumang paniniwala, kung natatabunan ka ng lupa sa iyong pana­ginip ay maaari ka raw yumaman kung magsisikap. Dahil ang lupa ay simbolo rin ng fertility, ng kasaganaan at ng paglago. Ang lupa ang daan para lumago at yumabong ang mga halaman. Kaya kung ikokonek sa takbo ng buhay, puwede ring lumago ang iyong kabuhayan.

Ikaw lamang ang tunay na nakakaalam sa nangyayari sa iyong buhay, puwede mong gami­ting basehan ang iyong napanaginipan para mas tulungan ang iyong sarili.

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating pana­ginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispi­ritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.