Tinatakot na ipakukulong sa utang

Dear Atty. Claire,

Itatanong ko lang sana kung makukulong po ba ako dahil sa pagkakautang ko sa malaking halaga ng alahas?

May pinirmahan ako na kasunduan ­namin ng supplier ko na magbaba­yad ako ng ­buwanan at aabot iyon ng ­dalawang taon. Nilagyan ng ­interest ang babayaran ko. Hindi pa ako nakakabayad ng buo sa monthly payment na napagkasunduan namin kasi lumaki iyon gawa ng interest na ipinatong po niya.

Nakapagbigay naman na ako kahit papaano pero wala pa sa kalahati ng monthly payment dahil wala pa po akong sapat na perang hawak.

Ngayon po kung ano-ano na ang sinasabi sa akin at tinatakot na ako na ipapakulong niya ako. Napapahiya na rin ako dahil naikakalat na kung kani-kanino ang pagkakautang ko. At pinamamalita pa na makukulong na ako. Naapektuhan na ang mga anak ko sa ­ginagawa nila.

Ngayon hinihingi ko ang kopya ng ­pinirmahan ko na ­kasunduan namin pero ayaw niya ibigay. Ang sabi sa akin hindi raw ako bibigyan ng kopya. Hinihingi ko po iyon para mapasuri ko rin kung may nilabag ba sa karapatan ko na ­nagkautang.

Mabigyan po sana ninyo ako ng pansin para malaman ko kung ano ang dapat kong gawin. Magbabayad ­naman po ako pero bakit hina-harass na niya ako?
Salamat po,
Chel

Dear Ms. Chel,
Ang tanong ko ay paano ka ba nagkautang para sa alahas? Naging ahente ka ba niya? O ikaw ay bumili lamang at hindi nakabayad?

Kung ikaw ay ­naging ahente niya para ibenta ang mga alahas at hindi mo naisauli ang mga ito o hindi mo ­nai-remit ang halaga nito sa principal mo ay maaari kang mademanda ng estafa dahil sa lalabas na naabuso mo ang tiwalang binigay niya sa iyo dahil may presumption na nakinabang ka nang hindi mo maibalik ang mga alahas o ang halaga nito.

Ang dapat mong mapatunayan dito ay wala kang balak na manloko o tabkuhan ang obligasyon mo.

Kung ikaw naman ay buyer at hindi mo lamang nabayaran ang mga binili mo ay walang panloloko na mapapatunayan laban sa iyo at ito ay mananatiling utang. Tanging civil case lang o paniningil sa utang ang kanyang maidedemanda sa iyo at ito ay walang kulong.

Kung nagbabayad ka naman ay mas lalong hindi niya mapapatunayan na balak mong takbuhan ang ­obligasyon mo. Kung siya ang ­naninira, maaari mo naman siyang ireklamo ng ­libel, ­cyberlibel o oral ­defamation.

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 9220245/5142143 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.