Nagpahayag ng pakikiisa si Pangulong Rodrigo Duterte sa paggunita ng ika-33 anibersaryo ng People Power Revolution sa EDSA nitong Lunes bagama’t hindi ito nakadalo sa aktibidad.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Pane­lo na kinikilala ng Pangulo na ang tinatamasang demokrasya ng mga Pilipino ay bunga ng pinagdiriwang sa EDSA, at ang totoong kapangyarihan at awtoridad ay nasa taumbayan.

Sinabi pa ni Panelo na hindi matatawaran ang mahalagang aral na hatid ng EDSA People Power at ang malinaw na mensahe na hindi permanente ang kapangyarihan sa gobyerno.

“While the President has to attend to more pressing matters of the State and may not be physi­cally present during the commemoration of the People Power Revolution, he will however be there in union with the celebrators as well as in recognition and reminder to all that our government is a fruit of democracy and our sovereignty resides in the people and all authority emanates from them,” ani Panelo.

Sinabi ng kalihim na naging abala ang Pangulo Linggo nang gabi dahil sa dalawang aktibidad na dinaluhan sa Cebu at nitong Lunes naman ay ang pagdalo sa kauna-unahang National Assembly of Liga ng mga Barangay sa Pilipinas.