Isang babae na tindera ng isda pero high-value target umano ng pulisya dahil sa pagtutulak ng droga ang inaresto matapos mahulihan ng P2.1 milyon halaga ng shabu sa Brgy. Basak Pardo, Cebu City kahapon nang madaling-araw.

Hindi na nakapalag ng posasan ng mga tauhan ng Pardo Police station ang suspek na nakilalang si Elvie Peter Mandreza, isang ‘newly identified drug personality’ ng lungsod.

Ayon kay Chief Inspector Regino Maramag, hepe ng Pardo Police Station, pasado alas-kuwatro ng madaling-araw nang maaresto ang suspek sa buy-bust operation ng kanyang mga tauhan.

Halos dalawang linggo rin aniyang isinailalim sa surveillance operation ang suspek bago ang pag-aresto dito.

Nabatid na upang maitago ang kanyang iligal na gawain, nagtatrabaho ang suspek bilang tindera ng isda sa Carbon Market, ang pangunahing palengke sa Cebu City, pero ito ay para mapalawak pala ang kanyang operasyon sa iligal na droga.

Nasamsam sa bahay ng suspek ang tatlong malaking pakete at dalawang maliit na pakete ng hinihinalang shabu na tinatayang may street value na P2.1 milyon.

Isinasailalim pa sa interogasyon ang suspek para malaman kung saan ito kumukuha ng iligal na droga habang inihahanda na rin ang kasong isasampa laban sa kanya.