Agad nasawi ang isang tindero makaraang malapitang barilin sa ulo ng isang lalaki na nagkunwaring kostumer ng isang tindahan sa Barangay Holy Spirit, Quezon City, Biyernes ng gabi.

Kinilala ni Police Lt. Col. Romulo Gadaoni, hepe ng Quezon City Police District-Station 6, ang biktima na si Eme­rald Flordeliza Pablico, 39, stay-in sa pinapasukang tindahan sa No.002 AFP Road corner Odonel St., Brgy. Holy Spirit.

Sa inisyal na ulat, dakong alas-siyete ng gabi nang dumating ang hindi pa nakikilalang suspek at nagkunwa­ring bibili sa tindahan na binabantayan ni Pablico pero nang tumalikod ito ay agad siyang malapitang binaril sa ulo.

Mabilis na tumakas ang suspek bibit ang hindi pa batid na kalibre ng baril nang makitang bumulagta ang biktima.

Blangko pa ang pulisya sa motibo ng krimen gayundin sa pagkakakilanlan ng suspek. (Dolly Cabreza)