Bugbog-sarado ang isang lalaki matapos na gulpihin ng tatlo niyang kapitbahay upang paaminin umano sa ninakaw nitong bike na hindi naman pala niya ginawa sa Navotas City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktimang si Dave Tubig, 29-anyos, dishwasher ng Block 3, 1st Street, Barangay Bagong Bayan South ng nasabing lungsod.
Sa ulat ng Navotas City Police alas-8:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa inuupahang bahay ng biktima nang puntahan siya ng mga suspek na kinilalang sina Eduardo Tapia, 32-anyos, Raymart Buenaventura, 22-anyos at isa pang inaalam ang pagkakakilanlan upang komprontahin sa nawawalang bike.
Mariin niya itong pinabulaanan hanggang sa igapos at salit-salitang tadyakan, suntukin at pinapaamin ang biktima sa kasalanang hindi nya ginawa.
Nang maulinigan ng landlord ng biktima ang kaguluhan ay agad niya itong inusisa at doon nga niya nakita ang biktima na halos lupaypay na habang pinagtutulungang gulpihin ng tatlong suspek na mabilis humingi ng saklolo sa kanilang barangay.