Tipid tips sa tag-init

Kaye Dacer

Pagpasok pa lamang ng buwan ng Pebrero ay ramdam na ang init ng panahon.

Noong nakalipas na Abril pumapalo na ang temperature ng higit sa 40 degrees. Pinalala pa ito ng El Niño, higit pa sa tag-init ang nararanasan natin ngayon.

Lalo na sa mga kanayunan, doon sa mga taniman ng palay at iba pang produktong agrikultura ramdam na ang tag-tuyot. Natutuyuan ng tubig ang mga palaisdaan, unti-unting kumokonti ang tubig sa mga dam.

Mainit ang panahon kaya mainit din ang ulo ng mga tao, lalo na doon sa mga apektado ng mga water service interruption. Hindi biro ang magpuyat sa paghihintay na tumulo ang gripo sa bahay para makaipon.

Kaya naman ang maipapayo ko ay relaks. Huwag mas­yadong mainit ang ulo.

Hindi madadaan sa init ng ulo ang problema. Baka nga lalo pang lumala ang sitwasyon kung init ng ulo ang paiiralin natin.

Pinakapraktikal sa lahat kung nasa bahay lang. Walang gaanong gastos at puwede i-enjoy ang bonding moments sa pamilya.

Iisipin ng iba paano makakatipid kung sa bahay lang samantalang may mga gastos sa konsumo ng kuryente dahil sa mga nakabukas na bentilador o aircon sa bahay. Malakas din gumamit ng tubig dahil mainit ang panahon at madalas maligo at nagbababad pa sa shower.

Ayon sa Meralco advisory, kaysa gamitin daw ng matagal ang aircon, mas makakatipid kung gagamitin ng salitan ang aircon at bentilador.

Kapag malamig na ang hangin ay patayin ang aircon at buksan naman ang bentilador upang mapanatiling umiikot ang malamig na hangin sa kuwarto.
Para iwas overheat sa bentilador, matuto rin gumamit ng pamaymay habang pinapahinga ang inyong bentilador para hindi masobrahan sa init dahil sa sobrang paggamit nito.

Iwasan din magsuot ng makakapal na tela ng damit. Ibagay sa lagay ng panahon ngayong tag-init. Maninipis na damit lang pero ayos naman tingnan.
Madali pang labhan at matutuyo kaagad.

Tiyakin din na tinanggal sa saksakan ng kuryente ang mga appliances kapag hindi ito ginagamit. Iwas sakuna.

Marami pa tayong matututunang tips ngayong summer. Maghanap lamang kayo sa internet at sa website ng mga utility company para malaman kung ano ang mga dapat gawin o tipid tips sa appliances.