Tips kontra dengue

Julius Segovia

julius-segoviaHinimok ng World Health Organization ang mga bansa sa Asya na maging mas alerto at lalo pang paigtingin ang mga programa para labanan ang pagkalat ng dengue cases lalo na nga-yong tag-ulan na.

Sa pagtaya ng WHO, papalo sa 2.5 bilyon ang bilang ng mga taong posibleng tamaan ng nakamamatay na sakit. Pitumpung porsiyento rito taga Asia Pacific Region, kabilang ang ating bansa.

Ang dengue ay acute viral infection na nakukuha mula sa kagat ng lamok na aedes aegypti. Karaniwang target nito ang mga bata at sanggol.

Kapag hindi naagapan, posible itong ikamatay ng taong tinamaan ng sakit na ito.

Kasunod ng babala ng WHO, muling nagpaalala ang Department of Health sa publiko kaugnay sa ‘4-S campaign against dengue’ ng gobyerno.
Sa datos ng DOH, pumalo na sa 36,664 dengue cases ang naitala mula January 1 hanggang February 23 ngayong taon. Mas mataas ito nang 67% o 14,703 na mas marami kaysa naitala noong 2018 sa kapareho ring panahon.

Ayon sa DOH, aktibo ang dengue mosquito dalawang oras matapos ang sunrise at dalawang oras bago mag-sunset.

Narito ang 4-s campaign against dengue:
SEARCH and destroy – hanapin at puksain ang pinamumugaran ng dengue mosquito. Karaniwan itong nabubuhay sa anumang espasyo o container na may stagnant water, pati na mga basurahan at lumang gulong ng sasakyan.
Kaya sa kanya-kanyang bahay talaga natin magsisi-mula ang lahat. Maging malinis sa kapaligiran.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, “The first step to prevent dengue is within our homes, it is important to remove any space or container than can hold unnecessary stagnant water which may become breeding sites of mosquitoes,”

secure SELF-PROTECTION – mainam na mag-apply ng mosquito repellent lalo na kung pupunta sa malalamok na lugar. Ugaliin ding magsuot ng mahahabang damit gaya ng long sleeves, pantalon at pajamas.

SEEK early consultation – kung may early symptoms ng hinihinalang dengue, huwag nang mag-atubiling komunsulta sa doktor.

Kabilang sa sintomas nito ang pabalik-balik na lagnat, pananakit ng ulo, panghihina ng katawan, kawalan ng ganang kumain, pagsusuka, pagdudumi at rashes sa balat.

SUPPORT fogging and spraying – ginagawa lang ito sa ‘hot spot’ areas kung saan naitala ang mataas na bilang dengue cases sa dalawang magkasunod na linggo para maiwasan ang napipintong outbreak.

Ang sa akin lang, maging responsable rin tayo sa ating mga sari-sarili. Maiiwasan naman ‘yan kung pananati-lihin nating malinis ang kapaligiran. Iwasan nang magtapon ng basura kung saan-saan. Malaki ang maitutulong n’yan para mapuksa ang nakamamatay na dengue.