Kaya mo bang magbasa ng emosyon ng tao? Lalo na yung mga taong madalas na tahimik lang at mailap.
Kung nais mong malaman ang kanilang nasa sa loob ay kailangan mong malaman ang ilang tips na maaaring makatulong sa’yo.
1. Pagmasdan ang kanyang mga mata. Kung nais mong malaman ang mga emosyon na nagkukubli sa mga mata ng isang tao dapat kang magsagawa ng isang test.
Gumupit ng iba’t ibang larawan ng mata at pag-aralan ang bawat hitsura nito tulad ng galit, masaya, nagdududa, malungkot at iba pa. kapag nakabisado mo ang mga ito ay magiging madali na sa’yo ang pagbasa ng emosyon sa pamamagitan ng mga mata.
2. Pag-aralan din ang bawak kibot ng mga labi. Ang bawat reaksyon ng ating mga labi sa tuwing tayo ay natutuwa, nalulungkot at nagagalit ay makapagsasabi rin kung ano ang ating nararamdaman. Kapag napakagat labi, ito ay nagpipigil sa nais gawin o sabihin. Kapag panay basa ng labi ay nagpapa-impress o nais magpakitang gilas, ibig sabihin ay masaya. Kapag kumipot naman ang labi, lungkot ang nasa likod nito. At kapag nanginig ay takot.
3. Nakapagpapakita rin ang tao ng emosyon sa pamamagitan lamang ng kanyang mga kamay. Tulad ng pagpitik, pagtiklop ng kamao, panginginig at iba pa.
Kaya kung speechless ang tao at nasa gitna kayo ng isang hindi kaaya-ayang sitwasyon ay pagmasdan mo lang ang kanyang kamay kung paano ito gumalaw at malalaman mo kung ano ang kanyang saloobin.
Kapag ito ay nanginginig, ibig sabihin siya ay natatakot. Kapag tumiklop at tumigas ang kamao, siya ay galit. Kapag pumipitik, siya ay nag-iisip.
(Geraldine Monzon)