Tips para makatipid at makaipon mula sa baon

Isa sa mga pinoproblema ng bawat estudyante ay ang kanilang baon. Magkakasya kaya ang allowance sa buong linggo? Ano-ano nga ba ang mga posibleng paraan para makatipid sa baon?

Maglaan ng extra budget sa kakailanganin. Ilista at kuwentahin ang mga mas kailangan na bilihin. Dapat ang bibilhin ay kailangan at hindi basta gusto lang. Ang pagbili nang wala sa plano ay nakaka-short sa budget.

Piggy banks. Ang pag-iipon sa mga money jar or alkansiya ay nananatiling epektibong solusyon para sa mga nag-iipon. Ugaliing magtabi kahit barya-barya. Kung ang baon mo halimbawa ay P100, itabi na agad ang picture ni Manuel Roxas (P20). Makokontrol ka na sa paggastos ay nakaka-save ka pa.

Bawasan ang snacks. Hindi naman masama ang gumastos lalo na kung sa pagkain. Pero kung ikaw ay nagtitipid, mas magandang umiwas muna sa mga snacks na hindi naman masustansya. Hindi lang budget mo ang gaganda, pati na rin ang kalusugan mo.

Iwas sa gimik. Walang masama sa paggala o mga lakad pero kung hindi naman importante o kailangan ay mabuting umuwi na lang sa bahay nang maaga.

Gamitin ang student discounts. Malaking menos din sa budget ang paghingi ng diskuwento bilang estudyante. Maliit na halaga man ang naibabawas ay makakatulong din ito para makaipon.