Arestado ang isang grade 9 student matapos i-post sa kanyang Facebook account ang larawan ng nakaw na motorsiklo sa Zamboanga del Sur.
Napag-alaman na una nang nagharap ng reklamo sa Pagadian City Police ang biktimang si Russel Endonto, 22, noong Biyernes matapos na mawala ang kanyang motorsiklo na ipinarada sa labas ng isang restaurant sa lungsod.
Makalipas ang ilang araw ay bumalik si Endonto sa istasyon ng pulis at sinabing nakita niya sa Facebook ang larawan ng nawawalang motor.
Agad nagtungo ang mga pulis sa bayan ng Tukuran at doon nahuling minamaneho pa ng estudyante ang motorsiklo.
Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa suspek na hawak ngayon ng social welfare office ng Pagadian City.