By Dolly Cabreza
Muntik nang pagtulungang bugbugin ng mga pasahero ang isang lalaki nang pitikin nito ang iPhone na nasa bulsa ng katabing pasahero sa Metro Rail Transit (MRT) Line 3 Sabado nang tanghali.
Sa inisyal na report ng Mandaluyong City Police, dakong alas-12:45 nang tanghali kapwa sakay ng MRT-3 na pa-southbound ang suspek na kinilalang si Renante Sol, 30-anyos, at ang biktima na si Christopher Marzan, 20-anyos.
Pagdating sa Ortigas Station ay binangga umano ng suspek ang biktima. Doon ay nagawa umano ng suspek na makuha ang iPhone 6 plus ng biktima na nakalagay sa kanyang bulsa ng kanyang short.
Pero naramdaman ito ng biktima at hinabol ang suspek hanggang sa mahulog sa sahig ang kinuhang cellphone.
Agad na humingi ng tulong ang biktima sa security guard ng MRT-3 na siyang umaresto sa suspek.
Nabatid na pagtutulungang bugbugin sana ng mga pasahero ang suspek pero napigilan sila ng mga rumespondeng guwardiya.
Binitbit sa himpilan ng pulisya ang suspek.