Malapit na naman ang ‘ber’ month at tiyak na masasabik na naman ang marami sa tunog ng kampana ng simbahan para sa simbang gabi, lalo na ang kabataang simbang-ligaw at simbang-porma.

At habang papalapit ang Disyembre, marahil ang isang pangarap na regalong nais makamit ng mara­ming Pinoy mula kay Uncle Sam — ang ibalik ang kampana ng Balangiga ng Samar.

Muling uminit ang usapin na isauli ng US ang Balangiga bells nang maging bahagi ito ng talumpati ni Pangulong Digong Duterte sa nakaraan niyang State of the Nation Address.

Kung tutuusin, maging ang mga nagdaang administrasyon ay nanawagan din noon sa Amerika na isauli ang kampana na ginawa nilang ‘trophy’ sa nangyaring US-Philippine war noong 1899-1902.

Ang kampanya ng Balangiga ay hindi maaaring gamitin ng US na simbolo ng tagumpay sa digmaan; bagkus simbolo iyon ng kahinaan at kawalanghiyaan ng kanilang mga tauhan. Bakit? Nakuha nila ang kampana matapos na sunugin ng tropa ng mga kano sa ilalim ng pamumuno ni Brig. Gen. Jacob ‘Howling Jake’ Smith ang Balangiga.

Ang tunog ng kampana ang sinasabing naging hudyat ng pag-atake ng mga Pinoy sa tropa ng mga Amerikano. Kaya naman ganun na lang ang galit ng mga kano at tinangay nila ang tatlong kampana ng simbahan na kanilang sinunog.

Pero hindi lang sa panununog ng simbahan at mga bahay nagtapos ang galit ni Smith, iniutos din niya ang pagpatay sa lahat ng Pinoy na makikita at maging sa mga bata na kaya nang magbuhat ng armas. Nais niyang marinig ang panaghoy sa lalawigan kaya siya binansagang ‘Howling Jake’.

Maging ang mga Amerikano ay nasuklam sa nangyaring kalupitan sa Samar kaya nilitis ng US military si Smith at pinatalsik sa serbisyo. Ibig sabihin, alam nilang mali ang ipinagawa ng kanilang heneral sa kaniyang mga tauhan.

Mga armadong Pinoy na lumalaban sa kalayaan ang pumatay sa tropa ng mga Amerikano, pero ang ganti ng mga kano, pagpatay pati sa mga walang labang sibil­yan. Di ba malabong tagumpay iyon?

Sa ngayon, dalawa sa tatlong kampana ang nakadisplay sa F.E. Warren Air Force Base sa Wyoming, at ang isa ay nasa US military base sa South Korea.

Sabi ni US Ambassador to the Philippines Sung Kim, patuloy na naghahanap ng solusyon ang mag­kabilang panig para maresolba ang isyu. Aba’y sir, pakibilisan lang po at malapit na ang pasko.

Sa panahon ngayon na nakikipag-BFF ang China sa Pilipinas, baka maunahan pa nila kayo na gumawa ng Balangiga bells na made in China at ipadala nila sa Samar, aba lalo kayong magmumukhang kontrabida.

Tutal tatlo naman ang kampana, bakit hindi na lang kayo magpagawa ng replica at isauli ang mga tunay sa Pilipinas para maipakita ni Uncle Sam na talagang sila ang BFF ng Pilipinas.

Panahon na para paghilumin ang sugat ng Balangiga at maitama ang maling magmamalupit na ginawa ng US.  Patunayan ninyo na hindi kayo tirador ng kampana ng digmaan.

Laging tandaan: ‘Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.’ (Twitter: follow@dspyrey)