Bumulagta ang isang lalaking tirador ng mga ‘side mirror’ ng mga nakaparadang sasakyan matapos barilin ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD)-Police Station nang man­laban makaraang sitahin, kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.

Inilarawan ni SPO1 Reynaldo Ferrer, imbestigador ng MPD-homicide section ang suspek na nasa edad 35 hanggang 40, may taas na 5’4”, balingkinitan ang katawan, maraming tattoo sa katawan at nakasuot ng kulay sky blue na T-shirt at gray na shorts.

Nagpapatrulya sina PO1s Reynan Ramores at Joel Franch Santos ng P. Algue Police Community Precinct sa kanto ng Jose Abad Santos Avenue at Claro M. Recto St. sa Tondo nang mapansin nila ang suspek, dakong 2:30 ng madaling-araw na iniikut-ikutan ang ilang nakaparadang sasak­yan sa lugar.

Palapit pa lamang umano ang mga pulis nang mapansin sila ng suspek kaya’t bumunot ito ng baril at nagpaputok.

Napilitan namang gumanti ng putok si Santos na nagresulta sa pagkamatay ng suspek, na nagtamo ng tama ng bala sa pisngi at dibdib.

Narekober ng mga pulis mula sa suspek ang isang kalibre .38 baril na walang serial number, isang pulang pouch bag na naglalaman ng tatlong side mirror, na hinalang ninakaw nito sa mga nakaparadang sasakyan sa lugar, at isang pirasong plastic sachet na naglalaman ng shabu.