TALAVERA, Nueva Ecija — Bigong makapagnakaw ang isang grupo ng mga tinaguriang ‘highlanders’ na naghukay ng tunnel para pasukin ang isang pawnshop sa Brgy. Matias dito noong sabado ng gabi.

Sa ulat ni P/Supt. Leo Novilla, nadiskubreng pinasok ang 7MM Pawnshop and Money Changer dakong alas-8:37 ng umaga nang tumawag ang sekyu na si Rodelio Cortez Tabing.

Dumaan ang mga salarin mula sa inupahang bahay na katabi ng pawnshop.

Gayunman sa isinagawang imbentaryo, nakumpirma na walang nawala sa pawnshop dahil nabigong buksan ng mga magnanakaw ang vault.

Nakarekober ang mga pulis ng dalawang hydraulic jacks, isang drill, 2 pliers, flash light, 2 screw drivers, martilyo, acetylene tank, pares ng gloves at mga kahoy.