Sa kulungan bumagsak ang isang science public school teacher na umano’y baon sa utang nang ipaaresto ito ng kanyang mga kasamahan dahil sa pagnanakaw ng laptop sa Valenzuela City kamakalawa.
Sa ulat kay P/Sr. Supt. David Nicolas Poklay, hepe ng Valenzuela Police, kinilala ang suspek na si Francisco Lucaban, 55, Senior High School teacher ng Karuhatan National High School, tubong Catarman, Samar, taga-46 Asuncion St., Morning Breeze, Subd., Caloocan City.
Sa sworn statement ng kanyang mga co-teacher na sina Marwin Tatoy, 25, ng Marilao, Bulacan at Patricia Maria Gajes, 31, ng Marulas Valenzuela City, kay PO3 Regor Germedia ng Station Investigation Unit (SIU), alas-9:00 ng umaga nang madiskubre nilang wala na ang kanilang mga laptop na nakapatong sa lamesa ng faculty room.
Naghinala ang dalawang guro na si Teacher Lucaban ang kumuha dahil siya lang ang pumasok sa faculty room.
Dahil dito, humingi ng police assistance sa Police Community Precinct (PCP) 9 ang dalawang guro kung saan nang rumesponde ay natiyempuhan nina PO1 Rey Aldrin Balicat at PO1 Marvin Malillin, ang suspek na papasakay ng jeep bitbit ang mga laptop na nagkakahalagang P47,000.