Titser libre na sa medical exam

Wala nang kinakailangang bayaran ang mga public school teacher para sa kanilang taunang medical examination.

Ito’y matapos na ianunsiyo ng Department of Education (DepEd) ang pagpapalabas nito ng pondo para sa P500 annual medical examination and treatment ng bawat guro sa mga pampublikong eskuwelahan.

Ayon kay House Assistant Minority Leader at ACT ­Teachers Party-list Rep. France Castro, sa wakas naipatupad na rin ng pamahalaan ang mga benepisyong nakapaloob sa Magna Carta for Public School Teachers
.
Matagal na umano itong hinihintay ng mga guro na gumagastos ng sarili nilang pera para sumailalim sa annual medical examination na isa sa mga itinakdang requirement ng DepEd para magawa ang kanilang trabaho.

Una nang inanunsiyo ni DepEd Undersecretary for Finance Annalyn Sevilla na plano na nilang ilabas ang pondo para sa annual medical examination ng mga public school teacher bago matapos ang school year sa susunod na buwan na siya namang deadline para sa mga guro na magsumite ng resulta ng kanilang medical examination.

Sinabi pa ni Castro, mula nang maisabatas ang Magna Carta for Public School Teachers noong 1966, ang probisyon na nagbibigay mandato sa pamahalaan para sa pagkakaloob ng libreng annual medical examination sa mga public school teacher ay laging hindi napopondohan. (Eralyn Prado)