Matapos umanong magbigay ng ransom money ay pinalaya na kahapon ng pinaniniwalaang mga miyembro ng Abu Sayyaf ang isang guro na kanilang kinidnap noong Setyembre 28 sa labas ng Mt. Carmel Church sa Jolo, Sulu.

Ayon kay Western Mindanao Command (Wesmincom) Commander Lt. General Cirilito Sobejana, natagpuan ng pulisya Miyerkoles ng umaga sa Jolo port area ang bihag na si Rosina Singua, 58, guro ng Culianan Elementary School.
Ayon kay Sobejana, nagsagawa sila ng agarang hot pursuit operation laban sa mga kidnapper matapos makatanggap ng impormasyon na nagkakaroon ng pay-off transaction ang pamilya ng biktima at mga suspek kahapon.

Pinalibutan din ng awtoridad ang lugar at bahay kung saan inilagay ang biktima ng 18 araw matapos itong dukutin.

Hindi naman kinumpirma ni Sobejana kung magkano ang ransom money na ibinigay ng pamilya kapalit ng kalayaan ng biktima.

Base sa pamilya ng guro, umalis ito sa Dipolog City kasama ang isang babaeng kaibigan para dumalo ng kasal ng isa nilang kaibigan.

Setyembre 28 ng gabi nang makatanggap ng tawag si Sherwin Singua, sa kanyang nanay na nagsasabing dinukot siya at humihingi ng ransom ang kanyang mga abductor. (Edwin Balasa)