Naaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 10 ang isang public school teacher sa ikinasang buy-bust operation sa bayan ng Damulog, Bukidnon, Huwebes ng gabi.

Kinilala ni PDEA-10 Director Wilkins Villanueva ang suspek na si Rey Sungahid, isang Grade 9 teacher ng Old Damulog National High School.

Nakuha mula sa gurong tulak ang apat na plastic sachet na naglalaman ng shabu at nagkakahalaga ng P16,000.

Nabatid na nagbebenta ng shabu ang guro sa kapwa titser at ilang estudyante.

Tiniyak naman ni Maj. Silvestre Asiong ng Bukidnon Provincial Police Information Office, na kasama si Sungahid sa listahan ng police’s watchlist na umano’y nagtutulak na noon pang 2015.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Vick Aquino)