Titser ninakawan ng laptop sa Christmas party

Napalitan ng kalungkutan ang kasiyahan ng isang titser matapos manakawan ng laptop sa gitna ng Christmas party sa loob ng kanyang silid-aralan sa Fernando Elementary School sa Sto. Tomas, La Union noong Sabado.

Sa ulat ng Sto. Tomas Police Station, nagkakasayahan ang mga estudyante sa kanilang Christmas party sa loob ng silid-aralan ng biktimang hindi na nagpakilala nang lumabas ito sandali.

Laking gulat umano ng biktima pagbalik sa kanilang silid-aralan nang matuklasang nawawala na ang laptop sa kanyang mesa na nagkakahalaga ng P18,000.

Sa salaysay umano ng mga estudyante ng biktima, may napansin silang lalaki na kumuha ng laptop dahil pinapakuha umano ito ng kanilang guro.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa nakawang nangyari sa nasabing eskuwelahan.