Hindi na umabot ng retirement ang isang guro matapos masawi sa banggan ng truck sa New Cabalan, Olongapo City kahapon ng madaling araw.
Dead-on-arrival ang biktimang si Jocelyn Sarmiento,58 ng Gordon Heights National High School bunsod ng matinding pinsala mula sa pagkakabundol ng Isuzu trak (ACO -2507) na minamaneho ng suspek na si Eduardo Santillan ng Sta. Maria Bulacan.
Ayon sa pulisya, nangyari ang aksidente bandang alas-4:00 ng madaling araw habang binabagtas ng kotse ng biktima (Honda Sedan – UNC 932) na minamaneho ni Johnlee Sarmiento ang kahabaan ng national highway nang bigla umano silang banggain ng truck.
Sa pahayag ng mga saksi, sinakop ng truck ang linya ng mga paparating na biktima kaya’t nahagip ang kotse.
Agad na naaresto ang suspek na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.