Titser timbog sa `Kill Duterte’ tweet

Diretso sa kulungan ang isang titser nang bitbitin ito ng mga tauhan ng Nationaal Bureau of Investigation (NBI -Region 1) makaraang mag-alok ng P50 milyong pabuya sa sinumang makakapatay kay Pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng ceast and desist order ng National Telecommunication Commission (NTC)

Nabatid na ang dinampot na netizen ay nakilalang si Ronnel Mas, 25, secondary teacher sa Taltal Masinloc, Zambales at kinuha sa kanyang bahay kamakalawa ng hapon.

Si Mas ay nag-post sa social media gamit ang @RonPrince_ twitter account na nag-alok ng reward na P50 milyon sa sinumang makakapagligpit sa presidente. “I will give P50 million kung sino ang makakapatay kay Duterte,” tweet nito.

Nang arestuhin sa kanyang bahay sa Pangasinan, una pang itinanggi ni Mas na siya ang nag-tweet pero kalaunan ay umamin rin ito.

“Maawa po kayo, marami pa po akong pangarap” pakiusap nito pero dinala pa rin siya sa tanggapan ng NBI para imbestigahan.

Nang iharap sa media, walang tigil sa pag -iyak ni Mas at hindi umano niya akalain na mangyayari ito sa kanya dahil ang ginawa niya ay isang pagpapahayag lamang ng kanyang saloobin.

Gayunman, nakahanda umano siyang madala sa Malakanyang para personal na humingi ng paumanhin kay Duterte dahil sa kanyang tinuran.

Nalaman na ang mga supporters ni Duterte at ilang concerned citizen ay nabahala sa post ni Mas kaya humingi ng tulong sa Philippine National Police (PNP) para ma-trace kung sino ang naturang netizen na nag-alok ng milyong pisong pabuya sa pagpaslang kay Duterte.

Samantala, isang lalaki pa na nagngangalang Ronald Quiboyen ang pinaghahanap ngayon ng NBI at ng Philippine National Police (PNP) dahil sa pag-post niya sa kanyang Facebook account na dadagdagan umano niya ang P50 million at gagawin nang P100 million para sa taong makakapatay sa pangulo.

“’Yong P50 million nyo gawin kung P100 million kung sinong makapatay kay Duterte, nandito ngayon ako sa Boracay,” ani Quiboyen.

Isa ring Alfred P. Rioflorido ang nanganganib na maaresto matapos magmura sa socmed gamit ang kanyang FB account kung saan nagwika itong “Duterte, dutae ka pu__ng ina mo, criminal pinasara mo pa ang ABS-CBN hayop ka huwag kang magtago sa malakanyang lumabas ka suntukan tayo, babasagin ko mukha mo. Papatayin kita pu*ang ina mo.” (Allan Bergonia/Juliet de Loza-Cudia)