Nabulabog ang mga mag-aaral at mga guro sa Tambubong Elementary School sa Bocaue, Bulacan kahapon nang umaga makaraang patayin sa harap ng kanyang mga estudyante ang isang titser ng karelasyon nitong sundalo na nagpakamatay naman matapos barilin ang biktima.
Base sa ulat ng tanggapan ni Bulacan police provincial director Sr. Supt. Chito Bersaluna, kinilala ang biktima na si Melody Esber, 33-anyos, na namatay noon din dahil sa tama ng bala sa dibdib habang nagbaril naman sa kanyang ulo ang sundalo na nakilalang si Ruperto Darwin, aktibong miyembro ng Philippine Army.
Nasugatan naman ang isang 9-anyos na estudyanteng lalaki na tinamaan ng ligaw na bala sa kaliwang balikat ngunit nasa maayos na itong kondisyon matapos isugod sa Sta. Maria General Hospital.
Bandang alas-9:00 ng umaga kahapon nang maganap ang insidente habang nasa loob na ng kanyang silid-aralan ang biktimang titser at nagtuturo sa kanyang mga estudÂyante kung saan biglang pumasok ang suspek at nag-usap ang dalawa.
Sa harap ng mga estudyante ay biglang binunot ng suspek ang kanyang maigsing baril saka pinutukan sa dibdib ang biktima bago nagbaril naman sa kanyang ulo na naging dahilan ng pagkamatay ng dalawa.
Pinaniniwalaang problema sa relasyon, partikular sa pera ang dahilan ng trahedya.
Kinumpirma ng Bulacan Police na mayroong folder na natagpuan sa mesa ng biktima at may mga nakasaad na kasulatang mayroon silang relasyon ng sundalong suspek at nakalagay din dito ang kanilang mga pagkakautang.
Hinihinalang galing din ang mga sulat na ito sa suspek.
Patuloy pa ding iniimbestigahan ng pulisya ang insidente matapos makumpirmang ang guro at sundalo ay kapwa mayroong pamilya.
Hiwalay umano sa asawa ang guro at mayroong mga anak.