Titulo ng bahay isinangla

Clear It by Atty. Claire Castro

Dear Atty Claire,

Ako po si Nick na isang OFW sa bansang Saudi Arabia. Lagi ko po binabasa ang ang article ninyo na CLEAR IT at nabasa ko po ang tungkol sa sanlang tira at naliwanagan po ako sa mga isyung inyong binanggit.

May tanong lang po sana akong idudulog sa inyo sa kadahilanang ako po ay nagsanla ng titulo ng lupa sa halagang P400K at nakapangako naman po ako na babayaran ko ang halagang iyon sa pamamagitan ng paghuhulog o installment basis po buwan-buwan hanggang sa matapos ko ang bayarin na may kasamang interes na P6K (monthly).

Nga­yon ay meron po nagsabi sa nanay ko na ipapa sheriff daw nya ang bahay namin sa hindi ko malamang kadahila­nan. tanong ko po may karapatan po ba syang ipa-sheriff ang bahay namin. kahit nakapangako na babayaran ko ang pagkakasanla ng titulo. Notaryado po itong pagkakasanla ng titulo.

Sana po malinawan ako at mapayuhan nyo po tungkol po sa isyung ito..

Maraming Salamat po at mabuhay po at ang column nyo po sa abante..

Nagapasalamat ng Lubos,
Nick

Nick,

Salamat po sa inyong pagtangkilik sa column na ‘Clear It’ at natutuwa po ako na marami kayong natututunan sa mga naisusulat ko.

Tungkol po naman sa problema ninyo ay nais kong malaman kung anong kasulatan ba ang inyong naging pirmahan. Kung isang Real Estate Mortgage na may probisyon tungkol sa karapatan ng napagsanglaan na gawin ang Extrajucidicial Foreclosure kung saan maaari siyang magpasubasta sa pamamagitan lamang ng pagsampa ng Petition sa Office of the Clerk of Court/Ex-Officio She­riff at hindi na sa korte pa. Kung ganito ang sitwasyon ay maaari niyang ipasubasta o magkaroon ng suction sale pero ito ay ipapaalam sa inyo dahil makakatanggap kayo ng Notice tungkol sa araw at oras ng auction sale.

Kung ang kasulatan naman ninyo ay walang nilalaman na ganitong probisyon tungkol sa extrajudicial foreclosure ay sigurado na dapat siyang magsampa ng kaso sa korte para sa isang judicial foreclosure of property. Papadalhan ka rin ng Notice ng korte upang ikaw ay makasagot sa kanyang petition.

Kaya’t hindi maaari na basta ipa-sheriff ang bahay mo nang wala man lamang notice upang ikaw ay makalaban o makasagot sa kanyang petition.

Kung wala naman kayong kasulatan ng sanglaan maliban sa verbal na usapan lamang ay hindi niya mapapasubasta ang ari-arian mo. Ang maaari lamang niyang isampa ay kasong civil para sa collection of sum of money.

Kung nakakabayad ka sa kanya ayon sa inyong napagkasunduan ay wala akong nakikitang karapatan sa kanya na ipa-sheriff o ipasubasta ang bahay mo.

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410 7624 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com