Dahil sa nangyaring salto sa inilabas na drug matrix ni Pangulong Rodrigo Duterte ay umaapela ang Malacañang sa publiko na magtiwala pa rin kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbubunyag sa pangalan ng mga personalidad na sangkot sa iligal na droga sa kabila ng nangyaring pagkakamali.

Ang pagkakamali sa drug matrix ay bunsod ng pagkakadawit sa operasyon ng iligal na droga kina Pangasinan Rep. Amado Espino, Pangasinan Provincial Administrator Rafael ‘Raffy’ Baraan at Pangasinan Board Member Raul Sison.

Depensa ng Palasyo sa pamamagitan ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na bagama’t nagkamali ay dumadaan naman sa proseso at validation ang listahan ng mga personalidad na sangkot sa iligal na droga ang hawak ng Pangulo.

Nagpakita rin naman, ayon sa Palasyo, ang Pangulo ng kababaang-loob nang humingi ito ng paumanhin kay Espino at sa dalawang iba pa dahil sa naging pagkakamali.

Nagawa na ng Pangulo ang kanyang obligasyon sa usaping ito.

Nakahingi na ito ng paumanhin sa mga naakusahang mga pulitiko, pero ang sa amin, hindi sapat ang paghingi ng paumanhin para manatili ang pagtitiwala ng taumbayan sa ipinangangalandakang drug matrix ng Pangulo.

Higit sa lahat ay hindi hinihingi ang tiwala na nais mangyari ng Palasyo dahil kusa itong ibinibigay ng taumbayan.

Ang sa amin, ang dapat gawin ng Pangulo ay ipa-validate ang hawak na drug matrix.

Pagalawin ang mga dapat na kumilos para masigurong authentic na ang hawak na drug matrix ng Pangulo na naglalaman ng mga sinasabing sangkot sa kalakaran ng iligal na droga sa ating bansa upang wala nang salto sa inaabangang mga pagpapangalan ni Pangulong Duterte sa mga opisyal na umano’y kasama sa kanyang “third and final list” ng mga sangkot sa iligal na droga.