Tiwala sa rail transit system babalik sa subway project — Angara

Sa sandaling matapos at maging operational na ang kauna-unahang subway line ng bansa, manunumbalik din ang tiwala at interes ng publiko sa rail transit system gayundin sa iba pang malalaki at malawakang transit project ng gobyerno sa ilalim ng Build, Build, Build program.

Ito ang pinanghahawakan ni Senador Sonny Angara, na bagaman sirang-sira sa publiko ang imahe ng rail transit system sa bansa ay umaasa pa rin itong magbabalik ang tiwala ng mamamayan sa pamamagitan ng mga programang pangtransportasyon ng pamahalaan tulad na lamang ng kauna-unahang subway line sa bansa.

“Sa pamamagitan ng Metro Manila Subway, pati na ang MRT-7, may pag-asa na tayong magkakaroon tayo ng mga dekalidad na rail transit system. Wala na ring mahabang pila ng mga pasahero, wala nang siksikan at wala nang sira-si­rang upuan,” ayon sa senador.

“Panahon na para ibalik natin ang tiwala ng mga tao sa ating rail transport system at gawin itong mas kapaki-pakinabang sa mamamayan,” saad pa ni Angara.

Nitong Pebrero 25, sa pangu­nguna ng Department of Transportation (DOTr) ay isinagawa ang groundbreaking ceremony para sa pagsisimula ng konstruksyon ng underground railway system na pinondohan ng P350 bilyon.

Isa ito sa inaasahang solusyon sa napakalaking suliranin ng Maynila sa trapiko dahil posibleng matapos at agad na mapakinabangan ang 36-kilometrong subway line na maaaring makapagsakay ng mahigit 300,000 pasahero kada araw sa taong 2025.

Ang nasabing subway train ay magkakaroon ng kaukulang koneksyon sa LRT 1, MRT 3 at MRT 7 – proyekto na direktang magdudugtong sa North Avenue Quezon City at sa San Jose del Monte City sa Bulacan province na bahagi rin ng Build, Build, Build sa pamamagitan ng common station ng mga ito sa EDSA.