Tinanghal ang TNC Predators bilang bagong two-time champion sa World Electronic Sports Games matapos iuwi ang titulo ng WESG 2018, dinemolis ang Keen Gaming 2-0 sa Grand Finals nitong Linggo sa Chongqing, China.
Inirepresenta ang Pilipinas, dinomina ng TNC Predator ang kanilang mga kalaban simula pa lamang hanggang sa pagtatapos ng mga tunggalian.
Nanguna ang TNC sa group stage sa pagtatala ng kabuuang 11 puntos kung saan nagwagi ito sa lahat ng kanilang serye at natalo lamang sa dalawa sa kanilang laban.
Hindi na ito nabigo sa playoff stage matapos walisin ang Team Canarinho mula Brazil bago dinisĀ­patsa ang isa pang tournament favorite na White-Off ng Russia at binubuo ng mga dating player mula sa Virtus.pro.
Huli silang hinakbangan ng Keen Gaming sa dalawang sunod na laban na umabot sa sub 30-minute.
Una nang iniuwi ng mga Pinoy ang titulo noong WESG 2016 kung saan tinalo ang Denmark na Cloud 9 sa Grand Finals.
Hindi nakapasok ang koponan noong WESG 2017 bago nagbalik at iuwi ang kanilang titulo para sa edisyong 2018 na natapos nitong Marso 10, 2019 lang.
Kumita ang TNC ng US$.5M (P26 million) first place prize habang napunta sa Keen Gaming ang $200,000 premyo para sa ikalawang puwesto.
Dalawang CIS powerhouse teams na White-off at Team Ukraine ang pumangatlo at pumang-apat para mga mabiyayaan pa rin ng $100,000 at $50,000 na premyo, ayon sa pagkakasunod.