Abot na ng TNT KaTropa ang panalo sa Game 2 ng PBA Commissioner’s Cup Finals, nakawala pa.
Sa halip, itinakas ng San Miguel Beer ang manipis na 127-125 double-overtime win para ibuhol ang serye sa 1-1.
Isa lang ang nakikitang dahilan ni coach Bong Ravena kaya napakawalan ng KaTropa ang ‘W’: “Free throws. If we only made our free throws, tapos na sana.”
‘Di lang isa, kundi apat – tigalawa sina Brian Heruela at Troy Rosario sa crucial stretch pa man din.
Sa pangalawang technical foul 22 seconds pa sa first OT ay awtomatikong na-eject si TNT import Terrence Jones at ipinasok si Heruela.
Pasok ang technical free throw ni Chris McCullough para ilapit ang Beermen 114-112. Si Heruela ang bumitaw ng charities sana ni Jones, pero walang naipasok sa dalawa.
Sablay ang floater ni McCullough sa kabila, napunta sa Texters ang bola at binigay ni Arwind Santos ng duty foul si Rosario.
Nagliliyab sa long range si Rosario bago ‘yun, tumapos ng 8 for 12 sa labas ng arc, pero mintis din ang dalawang freebies.
Dinamba ni Chris Ross ang rebound sa pangalawang miss ni Rosario, binatuhan ang humaharurot sa kabilang si Alex Cabagnot para sa easy-two bago ang buzzer na nagbuhol sa 114-114 para puwersahin ang pangalawang extra period.
“Exactly,” wika ni Ravena. “’Yung two free throws ni Brian and Troy, if only they made that shot, kahit isa lang nga,
tapos na.”
Nagkaroon sila ng tsansa, nasayang. Wala na aniya silang magagawa kundi bumalik sa drawing board para paghandaan ang Game 3 mamaya sa Big Dome din.
“We cannot do anything about that loss, just to move again and prepare for the next game,” giit ng coach. “’Yun lang naman ang choice mo.” (Vladi Eduarte)