Todo suporta sa sports

Break a leg by Benjie Alejandro

Salamat at tuloy na ang pagsasagawa ng 30th Asian Games sa Pilipinas sa susunod na taong 2019.

Malaki ang maitutulong ng ‘regional sports events’ na ito, hindi lamang sa ating mga atletang lalahok sa kompetisyon, magkakaroon din ng pagkakataon na personal na suportahan ng mga manonood ang ating manlalaro tulad ko na isang o ‘ping-pong enthusiast’.

Hindi lang pala abala itong si Foreign Affairs Secretary Alan Caye­tano sa ‘geo politics’, pang-sports din. Sa totoo lang, ang mga bagay na mahirap makuha sa pagpapalitan ng ‘diskurso’ o mga ‘diplomatic jargon’ ay nakukuha sa pamamagitan ng sports.

Ang mailap na kapayapaan sa Korean Peninsula ay ‘nahuli’ sa pamamagitan ng ‘Winter Olympics’. Ito ang naging susi upang ang dalawang lider ng Korea na sina Kim Jong-un at Moon Jae-in ay magkita. Sumunod naman ang hindi inaasahan, ang personal na pagkikita nina Kim at US President Donald Trump. Ang NBA star na si Dennis Rodman ay nakatulong sa pagbaba ng tensiyon sa Korean Peninsula.

***

Masuwerte ang mga atletang Pinoy ngayon dahil mayroong mga opisyal ng gobyerno tulad ni Secretary Cayetano na mahilig sa sports. Kung hindi ako nagkakamali ay basketbolista ang kalihim. Dahil nasa dugo ang pagiging atleta, si Cayetano ang nagkumbinse kay Pangulong Rodrigo Duterte na pumayag para ma­tuloy ang ‘hosting’ ng Pilipinas sa 30th Southeast Asian Games sa 2019. Matatandaang umatras ang Pilipinas noong Hulyo dahil sa problema sa terorismo sa Mindanao.

Dahil kilalang ‘basketball fan’, tumulong din si Cayetano para makumbinse ang pamunuan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas, Philippine Olympic Committee at Philippine Basketball Association para magpadala pa ng bagong koponan sa Asian Games. Dahil sa ‘diplomatic moves’, ngayon naglalaro na ang koponan ng Pilipinas sa Asian Games kasama ang Fil-Am NBA player na si Jordan Clarkson ng Cleveland Cavaliers.

***

Dahil lampas isang taon na lang ang paghahanda para sa 30th Asian Games 2019, inaasahan ang pagpapaganda o pagsasaayos sa mga lugar na pagdarausan ng kompetisyon at isa sa mga venue – kung hindi nabago ang plano – ay ang Amoranto Sports Complex sa Lungsod ng Quezon, dito nakatakdang gawin ang ‘cycling events’.

Maliban sa Metro Manila, gagawin din ang mga sport events sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan, Subic Bay, Olongapo, Zambales at Clark sa Pampanga. Ilan sa mga event na mapapanood ay athletics, aquatics, gymnastics, archery, badminton, baseball, basketball, billiards, bowling, boxing, cycling, polo, fencing, football, golf, judo, karatedo, sailing, sepak takraw, shooting, squash, taekwondo, triathlon, volleyball, weightlifting, wrest­ling, wushu, arnis, dance sport at muay thai. Nasaan kaya ang ping-pong dito?
Sa matagal na panahon at sa mga nakaraang administrasyon, nabalot ng kontro­bersya at katiwalian ang ‘Philippine sports’. Ang table tennis ay isa na rito. Sana sa panahong ito, matuldukan na ang nakaraan. Ang mga atletang Pinoy ay hindi dapat nasasama sa politika.
Kung may tokhang sa droga, dapat i-tokhang din ang mga nananamantala sa mga atletang Pinoy.