Pinasasampahan na ng kaso ng Department of Justice (DOJ) ang mga pulis na suspek sa pagdukot sa Koreanong negosyante na dinukot at pinatay.
Sa resolusyon ng DOJ na may petsang Enero 17, 2017 na pirmado ni Senior Assistant State Prosecutor Oliver Torrevillas, reklamong kidnapping for ransom with homicide ang inirekomendang isampa laban kina SPO3 Ricky Sta. Isabel, SPO4 Roy Villegas at isa pang respondent na si Ramon Yalung pati na ang apat na iba pang respondent na hindi pa matukoy ang pagkakakilanlan.
Kumbinsido rin ang DOJ na nagsabwatan ang mga respondent sa pagsasakatuparan sa complex crime na kidnapping for ransom at homicide.
Mismong si Sta. Isabel din umano ang pumatay kay Jee sa pamamagitan ng pagsakal.
Binigyan ng bigat ng DOJ ang naging salaysay ng kasambahay ni Jee na si Marissa Morquicho pati na ang detalyadong paglalahad ni SPO4 Villegas kaugnay ng pagdukot at pagpatay kay Jee.
Kasabay nito, inirekomenda rin sa resolusyon na sumailalim sa preliminary investigation ang iligal na pagdetine kay Morquicho na kasamang tinangay ng mga suspek nang dukutin si Jee mula sa bahay nito sa Angeles City, Pampanga noong October 18, 2016.
Samantala, kung si Sen. Ralph Recto ang tatanungin, maaaring gawing poster boys ng gobyerno sa isinusulong na pagbuhay ng death penalty ang mga pulis na kumidnap at pumatay sa Korean.