Tokyo Olympian madadagdagan pa

Apat pa lang sa kabuuang 85 national athlete na naghahangad mag-qualify ang nakasiguro pa lang ng kanilang slot para sa Team Pilipinas na umaasang makakapagpadala ng malaking delegasyon para sa tsansang masungkit ang pinakaunang gintong medalya ng bansa sa nalalapit na 32nd Summer Olympic Games 2020 sa Tokyo, Japan.

Nakapagpadala ng 13 atleta ang ‘Pinas sa 2016 Rio de Janeiro Olympics kung saan nakakopo ng silver sa women’s weighlifting si Hidilyn Diaz at naging pinakaunang babaeng atleta ng bansa na nakamedalya sa kada apat na taong paligsahan.

Gayunman, umaasa sina Team Pilipinas chef de mission Mariano Araneta at Philippine Sports Institute National Training Director Marc Edward Velasco na madadagdagan ang bilang ng delegasyon base na rin sa patuloy na pagnanais ng mahigit sa 80 manlalaro pang mga may pending na Olympic Qualifying Tournament at makasungkit ng kanilang silya sa pinakaengrandang pagsasama-sama ng pinakamahuhsay na atleta sa mundo.

“Ang concern ko actually is iyong travel ban kasi iyong ibang bansa ay nag-impose ng travel ban sa Philippines. Saka maraming qualifying events ang nakaka-cancel o napo-postpone,” ayon kay Araneta kahapon.

Una nang nag-qualify sina Ernest John Obiena sa men’s pole vault ng athletics, Carlos Edriel Yulo ng gymnastics at sina boxers Eumir Felix Marcial at Irish Magno.

Sa kasalukuyan, magtatangkang makasama sa apat ang recurve men’s archery team nina Jason Emmanuel Feliciano, Carson Francis Hastie at Rey Silos at recurve women’s squad nina Gabrielle Monica Biduare, Pia Elizabeth Biduare at Phoebe Nicole Amistoso.

Pipilitin ng centerpiece event na athletics na dagdagan ang puwesto ni Obiena sa pamamagitan nina Eric Shauwn Cray sa 400-meter hurdles, Natalie Rose Uy sa women’s pole vault, William Morrison sa men’s shot put, Christine Hallasgo sa women’s marathon at Kristina Marie Knott sa women’s 100 at 200meter dashes.

May Qualified Time B sa swimming sina James Delparine sa 50m & 100m men’s breaststroke, Luke Gebbie sa men’s 100m butterfly, Remedy Rule sa women’s 100m & 200m fly, at 2-time Olympian Jasmine Alkhaldi.

Maghahabol din sa basketball men’s 3×3 sina Alvin Pasaol, Joshua Munzon, CJ Perez at Mo Tautuaa.

Ang boxing ay aasang madadagdagan nina Carlo Paalam/Rogen Ladon (52kg), Ian Clark Bautista/Mario Fernandez (57kg), James Palicte/Jere Samuel Dela Cruz (63kg), Marjon Pianar (69kg), Claudine Veloso (51kg), Nesthy Petecio/Angue Ejusa (57kg), Riza Pasuit/Marciel Dela Torre (60kg), at Hergie Bacyadan (69kg). (Lito Oredo)