Tokyo slot ni Yulo, 3 pa namemeligro

Posibleng maunsiyami ang pagkampanya sa 32nd Summer Olympic Games 2020 sa Tokyo, Japan sa susunod ng taon nina gymnast Carlos Edriel Yulo, pole vaulter Ernest John Obiena at boxers Eumir Felix Marcial at Irish Magno.

Nagkakalamat ang relasyon ng International Olympic Committee at host country hinggil sa kinakaharap na karagdagang $3B malaking gastusin sa pagkakaurong ng quadrennial sportsfest sa susunod na taon mula sa parating na Hulyo-Agosto dahil sa Covid-19 pandemic.

Sumiklab ang hindi pagkakaunawaan sa mga opisyal ng Lausanne-based IOC at Tokyo Organising Committee of the Olympic and Paralympic Games (TOCOG) oTokyo 2020, nang ipaalam ng una na sinagot na ng huli ang karagdagang gastusin dahil sa desisyong iusog ang Summer Games at ang 16th Paralympic Summer Games 2020 sa July-August 2021.

Pero umaasa sina Marcial at Magno na matutuloy at makakamit ang kanilang mga pangarap na makapaglaro sa una nilang Olympics, gaya rin ng mga nakabase sa kasalukuyan sa Japan na si Yulo at Italy na si Obiena.

“Hindi ko po iyan iniisip, basta ako tuloy lang ang training ko para matupad ko ang pangako ko sa aking ama na mabigyan ang bansa natin ng unang Olympic gold medal,” komentaryo ni Marcial, 24, may taas na 5-8 at tubong Zamboanga City.

Nakapasok siya sa Tokyo Games nang mag-men’s middleweight semifinals sa 2020 Asia & Oceania Qualification Tournament sa Amman, Jordan noong Marso samantalang dumaan pa sa women’s fyweight box-off si Magno.

“I’m still hopeful,” reaksyon ng 28-year-old, 5-foot-2 boxer na taga-Baguio na si Magno. “I’ll still do everything that my coaches ask me to do.”

Ipinaliwanag ni Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) Edgar Genaro ‘Ed’ Picson, na sa pamumuno ng dalawa’y patuloy lang ang paghahanda ng national boxing team na kinabibilangan ni reigning world champion Nesthy Petecio, na umaasang makakapasok din sa Tokyo pati na ang iba pang mga kasama. (Lito Oredo)