Ganado si 6-foot-1 opposite hitter Katrina Mae ‘Kat’ Tolentino at ang Ateneo Lady Eagles na pabagsakin ang Adamson Lady Falcons ngayong 4:00pm duel sa balik-ere ngayon ng UAAP Season 81 women’s indoor volleyball tournament second round eliminations sa FilOil Flying V Centre, San Juan.

Karampot na anim na puntos lang ang natuka ni 6-foot-1 veteran opposite hitter Tolentno kontra sa defending champions La Salle Lady Spikers noong Abril 13 kung saan ay winalis sila, 17-25, 13-25, 23-25.

Kaya walang ibang nasa kukote si Tolentino at ang ADMU volleybelles kundi ang makabawi upang manatili sa tuktok ng standings kasabay na kumpletuhin ang pagwalis sa karibal sa elims.

“To still go all out. We still want that first-place and we can still get it,” aniya, na dinagit ang ADU sa first round noong Marso 13 via 4-set. “We’re not gonna change anything. We’re gonna keep practicing right because that’s really where the wins come from.”

Galing din sa pagkalugmok ang San Marcelino-based volleybelles gaya ng mga baliboliosta ng Loyola Heights. Tumaob ang Adamson kontra UE Lady Warriors 14-25, 19-25, 22-25, 10 araw na ang nakararaan.
(Janiel Abby Toralba)