Aangklahan nina Katrina Mae ‘Kat’ Tolentino, Madeleine Yrenea ‘Maddie’ Madayag at Isabel Beatriz ‘Bea’ de Leon ang Ateneo Lady Eagles na pahabain pa ang serye papasok sa Game 2 ng best-of-three finals ng UAAP season 81 women’s indoor volleyball tournament laban sa Sto. Tomas Golden Tigresses alas-4 ngayong hapon sa Mall of Asia Arena, Pasay.
Winalis ng UST ang ADMU sa series opener nitong Sabado 25-17, 25-16, 25-20, sa bangis nina Cherry Ann ‘Sisi’ Rondina, Ejiya ‘Eya’ Laure at Alina Bicar.
Tanging si opposite hitter Tolentino lang ang nakasampa sa double-digit sa hanay ng Loyola Heights-based volleybelles sa hinulmang 12 puntos, 10 mula sa atake, at dalawang blocks.
“Naniniwala ako sa feng shui. Nung hindi niyo kasi ako kinausap, nanalo kami. Thank you very much,” sabi ni Ateneo coach Oliver Almadro, na tumnagging muna sa panayam.
“Pray for us na may Game 3, sana may Game 3. Mas maganda kung may Game 3.”
Asahang reresbak din sina middle blockers Madayag at De Leon sa muling pakikipagta sa mga balibolista ng España UST na may tig-anim na puntos lamang sa hambalusan.
“We’re still positive and we still believe,” wakas ni coach Almadro. (Janiel Abby Toralba)