Tolentino: Mga nakatenggang barko gawing COVID-19 hospital

Nanawagan si Senador Francis Tolentino sa Department of Transportation (DOTr) na gawin na lang ospital o pansamantalang medical facility ang mga bakanteng pampasaherong mga barko na nakatengga lang sa mga pantalan sa bansa.

Sabi ng senadorm nakasaad sa Republic Act No. 11469 o Bayanihan to Heal as One Act na nagbibigay din ng kapangyarihan sa Pangulo na ipagamit ang mga passenger ship bilang quarantine hospital dahil sa kakapusan ng mga hospital bed sa gitna ng tumataas na bilang ng mga COVID-19 patient.

“The State may take temporarily take over or direct the operations or any vessel engaged in domestic trade and commerce, or prescribe its rates or routes of operation in a state of national emergency and when required by public interest, under reasonable terms prescribed by it,” paliwanag ni Tolentino batay aniya sa Section 24 ng Republic Act No. 9295 o Domestic Shipping Development Act of 2004.

Sa kanyang liham kay Transportation Secretary Arthur Tugade, iminungkahi ni Tolentino na kailangang magkaroon ng quarantine hospital – isa sa Luzon (Manila Port), isa sa Visayas (Cebu Port) at Mindanao (Davao Port).

“This is to immediately alleviate the situation, in coordination with the Department of Health, by providing the three passenger vessels – one for Luzon (Manila Port), Visayas (Cebu Port) and Minadanao (Davao Port) to serve as hospital ships,” sabi ni Tolentino.

Sabi nito, nakagarahe lang naman ang mga passenger ship sa mga pantalan at para mapakinabangan ito, mas mabuting gawin na lang ang mga ito bilang pansamantalang medical facility para matugunan ang kakapusan ng mga hospital bed sa kasalukuyan.

“Mas maganda gamitin natin ang mga barko na marahil ay nakadaong lang ngayon para magamit ito ng ating mga health workers bilang mga ospital at titirhan nila,” ayon pa kay Tolentino.

Nauna nang nagdeklara ang ilang mga pribadong ospital na umabot na sila sa full capacity kaya’t hindi na sila tumatanggap ng iba pang mga COVID-19. (Dindo Matining)