Laro sa Sabado:
(Mall of Asia Arena, Pasay City)
3:30 n. h. – AdU vs UP
Laro sa Linggo:
(Big Dome, Quezon City)
3:30 n. h. – ADMU vs FEU

DALAWANG mala-missile na basket nina Arvin Tolentino at Ken Tuffin ang nagbaon ng sungay ng Far Eastern University sa De La Salle University 71-70 at sinikwat ng Tamaraws ang 4th and last semifinals berth ng 81st University Athletic Association of the Phi­lippines men’s basketball tournament sa playoff kagabi sa Big Dome sa Cubao, Quezon City.

Iwan ang FEU Tams ng apat sa huling 63 segundo, pero ang mahabang ‘2’ ni Tuffin sa may kaliwang bahagi at gayunding ‘3’ ni Tolentino sa gitna ang tila nagpaaga ng Pasko sa Morayta-based hoopsters at nagpasipa na sa DLSU Green Archers sa sablay sa semis sapul noong 2015.

Sa pinaleng 3.3 sag­lit, maari pang maagaw ng mga basketbolistang taga-Taft ang manibela ng ‘cloud nine’. Pero hindi naisalpak ni Leo Santillan ang kanyang drive sa ilalim, kasunod nang pagkalaglag-balikat ng mga kakuwadra niya at tagasuporta.

“We’re so elated with this victory. Give it to the boys. They never gave up,” bulalas ni Tams coach Rodericko Cesar ‘Olsen’ Racela na narendahan ang hukbo sa ika-6 na dikit na Final 4 at naialpas pa rin sa ika-5 knockout game sa 8-eskwelahang liga.

Top scorer sa Far Eas­tern ang graduating na si Tolentino sa 15 points, may krusyal na 12 mar­kers at 16 rebounds si Barkley Ebona na pinu­nan ang maagang nag-foul trouble na si Prince Orizu kasabay sa pagha­rabas sa frontlines ng kalaban, at naka-11 puntos si Tuffin.

Tanging si Santillan lang ang naka-boundary ng dobleng pigura sa hanay ng mga Lasalista sa napanang 20 pts. (Ramil Cruz)

Ang iskor:
FEU 71 – Tolentino 15, Ebona 12, Tuffin 11, Escoto 10, Comboy 8, Parker 7, Inigo 5, Cani 2, Orizu 1, Stockton 0, Gonzales 0, Bienes 0
DLSU 70 – Santillan 20, Melecio 9, Caracut 9, Montalbo 7, Baltazar 6, Manuel 5, Samuel 4, Dyke 3, Go 3, Bates 2, Serrano 2
Quarters: 22-21, 36-38, 54-51, 71-70