MALAYBALAY, Bukidnon — Hinimok ni admi­nistration senatorial bet Francis Tolentino ang mga residente ng Metro Manila at karatig lalawigan na patuloy na maging mapagmatyag at talasan ang kanilang pakiramdam sa kabila ng katatapos lamang na malakas na lindol na puminsala sa mga ari-arian at imprastraktura sa Gitnang Luzon nitong Lunes ng hapon.

Ginawa ni Tolentino ang pahayag pagkatapos ng magnitude 6.1 na lindol sa Gitnang Luzon bandang alas-5:11 nang hapon nitong Lunes na naka-sentro sa bayan ng Castillejos sa Zambales. Base sa pinakasariwang ulat, humigit kumulang 10 na ang nasawi na karamihan ay naiipit sa loob ng isang gumuhong supermarket sa Porac, Pampanga.

Paliwanang ni Tolentino, nagbabanta pa rin sa National Capital Region (NCR) at mga kadikit nitong mga probinsya kung sakaling tumama ang pinangangambahan ng mga eksperto na ‘The Big One’ kung sakaling gumalaw ang Marikina Valley fault system.

Ipinagmalaki ni Tolentino na noon pang 2015 niya inihanda ang mga residente ng Metro Manila sa dapat gagawin kung sakaling gumalaw ang East at West Valley fault lines na puwedeng lumikha ng isang malakas na lindol na posibleng umabot hanggang magnitude 7.6.

“We have prepared Metro Manilans since our 2015 shake drill exercises. We know what to do should an earthquake occur. Let us stay calm and avoid spreading false rumors and follow our authorities,” saad ni Tolentino. (JC Cahinhinan)