Tolentino-Sotto tandem magpapatikas sa Gilas

Sa 2023, posibleng dalawa o higit pa ang maging 7-footer ng Gilas Pilipinas para sa 18th International Basketball Federation (FIBA) World Cup.

Matik na makasama sa pool si 7-foot-2 center Kai Sotto, habang lista na rin ang 6-foot-10 defensive ace na si AJ Edu na nagpapagaling pa mula sa ACL injury.

Ngunit ‘di lang ang dalawa ang premyadong big man na posibleng gamitin ng Gilas para sa mga international tournament.

Pasok din sa eksena si Sage Tolentino.

Si Sage ay isang Pinoy na lumaki sa Hawaii, naglalaro para sa Maryknoll High School at nag-a-average ng 17 points per game.

Kakaiba ang naturang manlalaro dahil bukod sa 7-footer ito, may ilang nagsasabi na mas maliksi pa ito kay Sotto at katulad din ng NBA prospect ay may outside shooting din.

Saad ni Samahang Basketbol ng Pilipinas president Al Panlilio, kanila nang nililigawan ang nasabing manlalaro, at mukhang magiging madali naman ito para sa national team.

Sa panayam ng Hawaii Prep World kay Sage, sinabi niya na kung sakali ay posible siyang maglaro para sa Pilipinas matapos magkolehiyo.
Kapag natuloy ito ay magiging tatlo na ang young 6-foot-10 pataas na manlalaro ng Gilas.

Sahog pa rito si five-time PBA MVP June Mar Fajardo, na pagpatong ng 2023 ay nasa edad 33 lang.

Kaya naman magiging panggulat ang lineup ng Gilas na kung dati ay tumitingala sa ibang koponan, ngayo’y posibleng makasabay pagda­ting sa height.