Tolentino umalma sa paninira ng Otso Diretso

Inakusahan ni administration candidate Francis Tolentino ang ilang miyembro ng Otso Diretso ng pagiging desperado na umano kaya ginagamit ng taktika ang paninirang-puri at “ne­gative campaigning” habang papainit na sa ikalawang linggo ang kampanyahan sa hanay ng mga tumatakbo sa Senado at party-list group.

Sa isang ambush interview sa proclamation rally ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) party sa Cabanatuan City, sinabi ni Tolentino na napag-iiwanan kasi kaya hala­tadong desperado ang ilang opposition senatorial candidate.

Kaya sa halip na pagbutihin ang istilo ng kanilang pangangampan­ya, wala na umanong maisip ang mga taga-oposisyon kundi wakwakin sila at magpalutang ng mga nakasisirang kwento.

“Negative campaigning­ talaga ‘yun. Ilabas na lang talaga yung plataporma nila,” ani Tolentino.

Bilang ganti rin sa hamon na debate ng mga taga-oposisyon, sinabi ng dating presidential adviser on political affairs na nakahanda siya anumang oras para harapin ang mga aspirante ng oposisyon na pinamumunuan ng Libe­ral-Party.

Aniya, kumpiyansa siya na ‘sisiw’ at kayang-kaya niyang idipensa ang mga polisiya ng administrasyong Duterte sa mga oposisyon.

“Anytime, anywhere para magkaalaman na. Mas lalong mapapadali magpasya ang mga tao kapag ganun dahil handa naman tayong depensahan ang lahat ng polisiya ng administras­yon,” sabi ni Tolentino sa harap ng mahigit 20,000 katao na nagtungo sa track oval ng Nueva Ecija University of Science and Technology.

Nagsimulang batikusin ng ilang miyembro ng Otso-Diretso ang HNP party na binuo ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio dahil sa pag-endorso kina dating Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. at Jinggoy Estrada na parehong nadawit sa multi-billion pork barrel scam.